Hindi bibigyan ng House Quad Committee ng access ang International Criminal Court (ICC) sa transcript ng kanilang hearings sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ito ni Quad Comm Lead Chairperson, Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, matapos sabihin muli ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makikipag-cooperate ang Pilipinas sa ICC sa pag-iimbestiga sa anti-drug campaign ng nakalipas na administrasyon.
Nanindigan si Barbers na hangga’t hindi nagiging miyembro muli ng Rome Statute at hangga’t walang direktiba mula sa Pangulo, ay hindi magbabago ang kanilang posisyon.
Binigyang diin ng mambabatas na hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas kaya wala tayong obligasyon sa naturang intergovernmental organization at international tribunal.
Idinagdag ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, co-chair ng quad comm, na hindi dapat makialam ang ICC sa justice-related affairs ng Pilipinas. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera