Nais ni Sen. Raffy Tulfo na pag-aralan ng Senado kung maaaring saklawin ng benefit package ng PhilHealth ang libreng pustiso at iba pang dental health services.
Sa kanyang Senate Resolution 1021, iginiit ni Tulfo na bahagi ng kalusugan ng taumbayan ang pagkakaroon ng malusog na ngipin subalit hindi sakop ng Universal Healthcare Law kahit ang basic na pustiso at ang cleaning ng ngipin.
Binigyang-diin ng senador na madalas ay mataas pa ang bayarin para sa dental services na hindi abot kaya ng marami sa mga Pilipino.
Binanggit pa ng senador ang national health survey noong 2018 na nagsasaad na may 73 milyong Pinoy ang may may sira sa ngipin.
Tinukoy din ng mambabatas ang isang artikulo sa Harvard Health Publishing noong February 2021 na nagsabing kapay may gum disease o sakit sa gilagid ang isang tao, may dalawa o tatlong beses na tsansang atakihin sa puso.
Iginiit ni Tulfo na ang magandang oral health ay makatutulong sa pagkakaroon ng trabaho lalo’t marami sa employers ang naghahanap ng may pleasing personality.
Malaking dahilan din anya ang maayos na dental health sa pagkakaroon ng mataas na self-esteem o tiwala sa sarili.