Tuluyan nang naaresto ang pulis na suspek sa pagpatay sa kapwa nitong pulis sa Camp Bagong Diwa noong nakaraang taon.
Ayon sa inisyal na report ni PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group Dir. BGen. Bonard Briton, isinilbi kahapon, June 24, bandang 2:18 ng hapon ang warrant of arrest laban kay Lt. Col. Roderick Tawanna Pascua sa custodial facility ng Regional Headquarters Support unit ng NCRPO.
Ang inisyung warrant of arrest ng National Capital Judicial Region Branch 271 ay kaugnay sa kasong murder.
Walang inirekumendang piyansa laban kay Pascua.
Matatandaang chinop-chop ‘di umano ni Pascua ang kanyang biktima na si Police Executive Master Sgt. Emmanuel de Asis sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong November 28 noong nakaraang taon.
Base sa report, nahuli umano ng suspek ang kanyang asawa sa isang ‘very intimate’ na sitwasyon kasama ang biktimang si De Asis.
Ang bangkay ng biktima ay ibinaon ng suspek sa ancestral home nito sa Baguio City noong Dis. a-5.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng IMEG sa Camp Crame ang suspek.