Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na tumalima sa mga evacuation protocol at tiyaking malinis ang inuming tubig sa gitna ng masamang panahon bunsod ng habagat.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, mahalagang lumikas ang mga residente kung kinakailangan, alinsunod sa utos ng mga awtoridad, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
Pinaalala rin ni Domingo ang kahalagahan ng pag-alam sa mga emergency hotline gaya ng 911 para sa national emergencies at 1555 para sa DOH concerns.
Binigyang-diin din ng opisyal ang pangangailangang tiyakin ang kalinisan ng inuming tubig, lalo na sa mga evacuation center o kahit sa sariling tahanan.
Iminungkahi ni Domingo ang pagpapakulo ng tubig ng hindi bababa sa dalawang minuto o ang paggamit ng chlorine tablets bilang paraan ng sterilization.