dzme1530.ph

Publiko, pinakakalma sa gitna ng mga isyu sa flood control projects

Loading

Umapela si Sen. Robin Padilla sa publiko na maging kalmado at subaybayan na lamang ang mga susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Padilla na hindi makakatulong sa Senado kung magpupukulan pa ng mga putik tungkol sa kung sino ang dapat manguna sa imbestigasyon.

Ipinaalala ni Padilla na nabansagan nang “Red Ribbon” ang komite dahil walang nais maging chairman nito, kaya’t mainam aniya na bumalik na si Sen. Panfilo Lacson.

Naniniwala ang senador na marami ang nagnanais na maibalik si Sen. Rodante Marcoleta bilang chairman ng komite, subalit hindi aniya nila mapipilit ang kanilang kagustuhan dahil wala sa minority bloc ang kapangyarihang pumili ng chairman nito.

Nagpasaring pa ang senador na mas mabuti nang si Lacson ang mamuno sa komite kaysa ibang mga senador na aniya’y lantaran ang kulay ng pulitika, na maaaring pagmulan ng mas mainit na palitan ng mga putik at mas magbabaon sa Senado sa kumunoy.

About The Author