Pinag-iingat ng gobyerno ang publiko sa pinagsamang epekto ng El Niño o matinding tagtuyot, at ang nagsimulang summer o panahon ng tag-init.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Department of Science and Technology Sec. Renato Solidum Jr. na sa Abril at Mayo pinaka-mararamdaman ang drought at dry spell.
Dahil din umano sa mainit na panahon na sinamahan pa ng posibilidad ng La Niña, mas tatagal pa ang nararanasang drought o tagtuyot hanggang Agosto.
Kaugnay dito, sinabi ni Solidum na batay sa payo ng Department of Health, dapat protektahan ang katawan sa matinding init sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, pagsusuot ng angkop na damit, at pag-iwas sa pagbababad sa araw lalo na sa mga nagta-trabaho sa labas o outdoors.
Binabantayan din umano ang mga sakit na maaaring makuha sa maruming tubig sakaling magkaroon ng kakapusan sa suplay, habang isinulong din ang pagpapalakas ng edukasyon sa mga komunidad sa pag-iwas sa sunog.