Naalarma si Senate Committee on Health Chairperson Christopher “Bong” Go sa report ng PAGASA kaugnay sa very high heat index sa ilang bahagi ng bansa sa mga nakalipas na araw.
Sa report ng PAGASA, nasa siyam na lugar sa bansa ang nagrehistro ng heat index na ikinukunsiderang nasa “danger” level dahil umabot ito sa 42°C hanggang 51°C.
Kabilang dito ang Roxas City sa Capiz; San Jose sa Occidental Mindoro; Masbate; Butuan; Iloilo City; Pili sa Camarines Sur; Puerto Princesa City sa Palawan at Pasay City.
Inaasahan pa ng PAGASA na aakyat hanggang 52°C o mas mataas pa na itinututing na “extreme danger” level ang heat index hanggang Mayo.
Sinabi ni Go na kailangang doblehin ang pag-iingat at alagaan ang kalusugan lalo’t nananalasa rin ang El Niño na nagdudulot ng dagdag na init ng panahon.
Upang maiwasan aniya heat stroke at heat exhaustion, dapat ugaliing uminom ng sapat na tubig at huwag magbabad sa araw hanggang maaari.