Kasabay ng paglulunsad ng “Sumbong sa Pangulo” website ng Malacañang, hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na gamitin ang nasabing plataporma upang humingi ng tulong sa pamahalaan o direktang iulat ang mga hindi gumaganang flood control projects sa kanilang lugar.
Ayon sa Pangulo, siya mismo ang magbabasa ng lahat ng hinaing ng mamamayan, kasabay ng pahayag na “Ito na ang pagkakataon ng mga Pilipino” upang maiparating mismo sa punong ehekutibo ang kanilang reklamo.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na ang mga karaniwang mamamayan ang pinakaaapektado ng baha kaya mahalaga ang kanilang papel sa pag-uulat ng mga anomalya.
Ang website na sumbong-sa-pangulo.ph ay resulta ng direktiba ng pangulo sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address, upang masuri at maimbestigahan ang mga iregularidad sa mga proyekto, sa gitna ng paulit-ulit na malawakang pagbaha tuwing panahon ng bagyo.
Mayroon itong interactive map na may color-coding batay sa taon ng pagkakatapos ng proyekto, at naglalaman ng detalye gaya ng pangalan ng proyekto, budget, kontratista, lokasyon, petsa ng pagsisimula, at petsa ng pagkakatapos.