Hinikayat ng isang nuclear expert ang publiko na suportahan ang planong pag-adopt ng administrasyon sa nuclear technology para sa mas murang enerhiya.
Ayon kay Philippine Nuclear Research Institute Director Carlos Arcilla, labis na ang pahirap sa masa ng malaking gastos sa kuryente.
Sa harap ng pagiging isang archipelago ng Pilipinas, iginiit ni Arcilla na pinakamahal ang kuryente sa malalayong isla na hindi konektado sa power grids.
Kaugnay dito, sinabi ni Arcilla na kapag naibaba ang power costs, makahihikayat ito ng mas maraming investors, lalakas ang economic activity, at maiibsan ang pasanin ng consumers.
Inihalimbawa nito ang bansang Slovenia kung saan ang gastos sa power generation ay sampung beses na mas maliit kaysa sa Pilipinas, habang mas mababa ng kalahati ang gastos sa South Korea dahil sa paggamit ng nuclear power plants. —sa ulat ni Harley Valbuena