dzme1530.ph

Publiko, hinimok na palaging isipin ang sakripisyo ng mga ninuno para sa kalayaan

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang publiko na palagiang isaisip ang sakripisyo ng ating ninuno para sa kalayaan.

Sinabi ni Hontiveros na ang mga laban tulad ng pananakop ng mga dayuhan sa ating teritoryo, pang-aabuso ng pamahalaan, mga karahasan, kawalan ng oportunidad at ang malaking agwat ng mga mayayaman at mahihirap ay nanatiling laban ng bawat isa sa kasalukuyan.

Tuloy pa rin anya ang laban ng mga Pilipino sa problema sa kahirapan, mga mapang-abusong dayuhan at maging ang kasakiman ng ilan sa atin.

Kasabay nito, iginiit ng senadora na nakalulungkot na patuloy din ang problema sa katiwalian, lumalawak na hindi pagkakapantay-pantay, rebisyon sa kasaysayan at pagkalat ng mga maling impormasyon na aniya’y humahadlang sa pagunlad ng isang bansa.

Patuloy din naman ang pakiusap ng senaroda sa publiko na tandaan na walang dapat na maiwan sa gitna pa ng pakikibaka ng bansa.

Aminado ang senadora na napakahirap ipaglaban ang kalayaan at demokrasya, ngunit dahil sa ginawa ng ating mga ninuno ay binigyan tayo ng kakayahang maging malikhain, matatag, buo ang loob at ang makipagbayanihan.

Dagdag pa ni Hontiveros na tulad ng ating mga bayani ay magsilbing inspirasyon ito para patuloy na pagtibayin ang ating nakaraan para sa kinabukasan anuman ang pagkakaiba-iba ng mga Pilipino. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author