Hinimok ni Senador Christopher Bong Go ang mga kababayan nating sinalanta ng bagyo na samantalahin na ang pagkakataon at i-avail ang pinalawig pang benepisyo mula sa Philhealth.
Sinabi ni Go na inanunsyo na kamakailan ng mga opisyal ng Philhealth na nagdagdag na sila ng mga pakete na maaaring pakinabangan ng mga miyembro.
Iginiit ng Senador na dahil sa pinalawig na benepisyong ipinagkakaloob ng PhilHealth, hindi na dapat matakot ang ating mga kababayan na magpakonsulta sa doktor o magpaospital kung may karamdamang dulot ng pananalasa ng bagyo.
Ipinaalala ni go na nangako na ang PhilHealth na aalisin na ang polisiya tulad ng single period of Confinement (SPC) rule at 24-hour confinement policy upang marami na ang maka-avail ng benepisyo ng PhilHealth. Isinusulong din ni Go na pababain pa ang premium contributions ng mga direct members, itaas ang case rates, at palawakin pa ang Benefit Packages partikular sa heart disease, diabetes, at respiratory illnesses.
Ipinasasama na rin ang outpatient services, mental health coverage, visual at dental care, gayundin ang assistive devices at emergency medical treatments. —ulat mula kay Dang Garcia