Muling hinimok ni Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go ang publiko na huwag maging kumpiyansa at doblehin ang pag-iingat sa gitna ng mga napaulat na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Go na bagama’t balik na sa normal ang pamumuhay, mas makabubuting sumunod pa rin sa health protocols ang publiko para sa kaligtasan ng lahat.
Iginiit ng senador na kung hindi naman sagabal ay mas mabuting magsuot pa rin ng face mask lalo na sa matataong lugar.
Una nang kinumpirma ng Department of Health na may naitala nang mga kaso ng COVID-19 FLiRT variant sa bansa subalit nilinaw na nananatiling low risk ang bansa sa pagkalat nito.
Sa datos, nasa 319 COVID-19 cases ang naitala kada araw mula May 21 hanggang 27.
Nanindigan din ang DOH na wala silang nakikitang pangangailangan na magpatupad ng travel restrictions sa gitna ng mga kaso ng COVID-19 FLiRT variant.