Hinimok ni Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go ang publiko na dapat na maging alerto at mag-ingat habang ang gobyerno ay dapat na agarang umaksyon para mapigilan ang pagkalat ng pertussis o whooping cough.
Ginawa ni Go ang panawagan makaraang ideklara ang pertussis outbreak sa Quezon City dulot ng mataas na kaso ng naturang sakit.
Binigyang-diin ni Go na hindi dapat balewalain ang pagkalat ng pertussis dahil mga sanggol o mga bata ang pangunahing tinatamaan nito.
Mahalaga anyang maging proactive at magtulong-tulong sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa sakit at tiyakin na may sapat na gamot para rito.
Muling nanawagan si Go sa publiko na boluntaryong magsuot ng face mask sa mga matataong lugar dahil may banta ng mga sakit na maaaring makahawa lalo na sa mga bata at matatanda
Mahalaga rin anya na paigtingin ang pagbabakuna, lalo na sa pagtugon sa pertussis dahil kasama ito sa mandatory vaccination program.