Nagbabala si Sen. Panfilo “Ping” Lacson laban sa mga scammer na humihingi ng donasyon para sa mga nasalanta ng kalamidad, kabilang ang mga biktima ng bagyo at habagat.
Ito’y matapos mabuking ni Lacson ang isang scammer na nagpapanggap bilang si dating Rep. Josephine Sato at humihingi ng financial support para umano sa muling pagtatayo ng isang orphanage sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Lacson, nagkamali ang scammer nang siya mismo ang kontakin at tangkaing hingan ng donasyon.
Ibinahagi rin ng senador sa kanyang X account ang mga screenshot ng mensahe sa Viber mula sa scammer, na gumamit pa ng larawan ng dating kongresista bilang profile photo.
Makikita sa mga screenshot na nagbigay pa ang scammer ng GCash number para umano sa donation drive ng orphanage.
Sinabi ni Lacson na nakikipag-ugnayan na siya sa mga awtoridad para maipahuli ang scammer.
Muli ring nagpaalala ang senador sa publiko na mag-ingat sa ganitong uri ng panloloko, lalo na’t hindi pa ganap na nakaka-recover ang mga nasalanta ng nakaraang sakuna.