dzme1530.ph

Publiko, binalaan sa fake news kaugnay sa registration para sa universal senior citizen pension

Loading

Nagbabala si Sen. Grace Poe kaugnay sa nagkalat na fake news sa text at social media tungkol sa umano’y online registration para sa universal senior citizen pension.

Ipinaliwanag ng senadora na sa bisa ng Republic Act No. 11916 o ang Increasing the Social Pension of Senior Citizens Act, nadoble na sa ₱1,000 kada buwan ang dating ₱500 pension para sa indigent o mahihirap na senior citizens.

Gayunman, sinabi ni Poe na hindi lahat ng matatanda ay awtomatikong makatatanggap ng pension na ito dahil para lamang ito sa senior citizens na mahihina na, may sakit, PWD, walang kinikita, at walang natatanggap na ibang pensyon o suporta mula sa pamilya.

Bagaman naitatag na ang National Commission of Senior Citizens, ang Department of Social Welfare and Development pa rin ang pangunahing ahensya na nangangasiwa sa pamamahagi ng pension.

Ayon kay Poe, ₱49.8 bilyon ang inilaan sa 2025 budget para sa senior citizen pension sa ilalim ng DSWD.

Iginiit ni Poe na kung nais ng mag-apply o magtanong ukol sa benepisyong ito, huwag dapat dumaan sa mga link sa text o social media.

Mas mainam aniya na personal na pumunta sa Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) o sa local Social Welfare and Development Office.

Binigyang-diin ni Poe na layunin ng batas na matiyak na ang ayuda ay makararating sa tunay na nangangailangan, hindi sa mga scammer na sinasamantala ang kahinaan at tiwala ng mga nakatatanda.

About The Author