dzme1530.ph

PTFoMS, kinondena ang pamamaslang sa isang Muslim radio anchor sa Cotabato City

Kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pamamaslang sa isang Muslim radio anchor sa Cotabato City, kagabi.

Kinilala ng Bangsamoro Police Office ang biktima na si Mohammad Hessam Midtimbang, 32 anyos, at host ng Bangsamoro Darul Ifta Radio Program na umeere sa Gabay Radio 97.7 FM.

Pinagbabaril ito ng riding-in tandem habang papasakay ng kanyang kotse, at naisugod pa ito sa ospital ngunit namatay rin.

Kinondena ni PTFoMS Executive Director Paul Gutierrez ang umano’y walang katuturang karahasan na walang lugar sa lipunan.

Nakipag-ugnayan na rin ang PTFoMS sa Philippine National Police para sa imbestigasyon, gayundin sa 6th Infantry Division ng Philippine Army para sa mga karagdagang impormasyon kaugnay ng krimen.

Sinabi pa ni Gutierrez na ituturing muna nilang work-related ang motibo sa krimen habang wala pang resulta ang imbestigasyon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author