Nagkaisa ang Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at Presidental Task Form on Media Security (PTFoMS) na bumalangkas ng mekanismo upang maresolba ang mga hinaing ng mga lokal na opisyal sa mga kagawad ng media.
Ayon kay Usec. Paul Gutierrez, ang executive director ng PTFoMS, ito ang napagkasunduan nila ng KBP nang dumalo siya sa general membership meeting na pinanunganahan nina KBP Chairman Herman Basbano at MBC President Jun Nicdao noong June 20, 2023.
Ang PTFoMS aniya at ang KBP ay naniniwalang ‘prevention’ ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pag-atake sa hanay ng media na ang ibang kaso ay humahantong pa sa kamatayan.
Sa naturang pulong, ibinahagi ni Gutierrez sa mga opisyal at miyembro ng KBP ang kanyang mga plano at direksiyon ng PTFoMS sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Tiniyak naman ng pamunuan ng KBP na suportado nito ang mga hakbang upang linawin sa international community ang tunay na kalagayan ng pamamahayag sa bansa at ang ginagawa ng pamahalaan sa pagtugon at paglutas sa media concerns.
Ang KBP ay isa sa pinakamatandang media organization sa bansa at pinakamatatag na katuwang ng PTFoMS mula nang itatag noong 2016 sa ilalim ng Administrative Order No. 1 ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News