Muling tatalakayin ng mga senador sa plenaryo ang proposed 2024 budget ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay upang sagutin ng ahensya kung paanong nakakuha ng Birth Certificates at iba pang genuine PSA documents ang ilang Chinese na ginamit nila sa pagkuha ng Philippine Passport.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senate President Pro Tempore Loren Legarda, nagpanggap na Pilipino ang ilang Chinese at nakapagpakita ng authentic PSA documents.
Sa deliberasyon ng panukalang 2024 budget ng Department of Foreign Affairs (DFA), tinanong ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kung nakarating na sa ahensya ang natuklasang pagkakaroon ng Philippine Passport ng ilang Chinese National.
Ikinabahala ito ni Dela Rosa at sinasabing ito ay isyu ng National Security dahil maaaring magamit ng mga dayuhan ang pagkakaroon ng Philippine Passport sa pag-iispiya sa ating bansa.
Sinabi naman ni Legrada na sa ngayon ay nakikipagtulungan na ang ahensya sa mga Law Enforcement Agencies para maimbestigahan ang insidente at makasuhan ang mga dayuhang nakakuha ng Philippine Passport.
Sisimulan din ng DFA ang Internal Investigation para malaman kung sinu-sino ang nagproseso ng passports ng mga Chinese Nationals.
Hiniling naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na imbestigahan ng Blue Ribbon Committee at Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang isyu.
—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News