Kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na hindi nila irerekomenda ang pag-abolish sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Sa halip, sinabi ni Angara na posibleng irekomenda nila ang pag-streamline sa proseso ng PS-DBM.
Ipinaliwanag ng senador na ang orihinal na konsepto ng pagbuo ng tanggapan ay tulungan ang mga ahensya ng gobyerno sa procurement ng mga common-used supplies kabilang na ang computers, ballpens, cartridges at mga sasakyan.
Subalit naging kapansin-pansin anya sa mga nakalipas na taon na nagkaroon ng sariling mundo ang PS-DBM na walang permanenteng empleyado at hindi nagrereport sa mother agency nito.
Bukod dito, ginamit din anya ang ahensya sa procurement ng technical equipment na hindi naman kasama sa mandato nito.
Nilinaw ni Angara na ang intensyon ng PS-DBM ay makatipid ang gobyerno sa pagbili ng bulk orders ng common-used supplies.
Una nang naghain ng panukala sina Senators Francis Tolentino at Imee Marcos na i-abolish ang PS-DBM makaraang masangkot sa iba’t ibang kontrobersiya kabilang na sa overpriced laptops ng Department of Education at Pharmally issue.