Inirekomenda ng 2nd Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang pagbibigay ng proteksyon sa mga minor o mga batang apprentice sa ilalim ng Apprenticeship Program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ipinatutupad sa ilang mga kumpanya.
Sa pagdinig ng Senado, inihayag ni EDCOM Chief Legal Officer Atty. Joseph Noel Estrada na batay sa kanilang konsultasyon sa mga stakeholders, lumitaw na karaniwang reklamo kaugnay sa mga minor na apprentice na ang pinakabata ay 15 taong gulang ay ang sexual harassment at iba pang uri ng pang-aabuso sa mga kumpanya kung saan sila nagsasanay ng trabaho.
Tinukoy pa ni Estrada na maging ang mga kabataang na-absorb sa trabaho matapos sumailalim sa apprenticeship program ay nakaranas din ng isa o higit pa sa dalawang beses na harassment at iba pang uri ng pagsasamantala mula sa kanilang superiors.
Sa paniniwala ng opisyal, ang mga minor apprentice at maging ang mga bagong hire sa trabaho ay naaabuso dahil sa kanilang pagiging bata at hindi pa pamilyar sa lugar ng trabaho.
Bunsod nito, hiniling ng EDCOM kay Committee on Labor Chairman Senator Jinggoy Estrada na isama sa panukala ang paglalagay ng dagdag na mekanismo sa enterprise level o sa mga kumpanyang nagpapatupad ng apprenticeship program para mabigyan ng proteksyon at matiyak ang kaligtasan ng mga child apprentice mula sa lahat ng uri ng pangaabuso at matiyak ang pagpapatupad ng Safe Spaces Act.
Idinagdag pa ng Chief legal officer, hindi na lang basta workplace na may mga empleyado ang pinag-uusapan dito kundi may mga bata na rin sa mga kumpanya ang kailangang maprotektahan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News