Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pamahalaan at mga employer na magpatupad ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa, gaya ng mas mahabang breaks, sa gitna ng tumitindi pang init ng panahon.
Binigyang diin ng labor group na maituturing ang matinding init bilang “health and safety hazard” na dapat matugunan sa epektibong paraan.
Apektado ng napakainit na panahon ang mga manggagawa sa lahat ng sektor, subalit mayroong ilang trabaho na nahaharap sa panganib na dala ng mataas na temperatura, gaya ng mga nasa agrikultura, transportasyon, turismo, at construction.
Para maprotektahan ang mga manggagawa, iminungkahi ng KMU sa gobyerno at mga employer na tularan ang model policies sa Qatar at India, gaya ng extended drinking at rest breaks, at implementasyon ng no-work hours.
Dapat ding anilang magtakda ng temperature limit na pasok sa standard na safe para sa mga manggagawa.