Muling nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go na bigyan ng sapat na proteksyon at tamang benepisyo ang lahat ng healthcare workers, lalo na ngayong panahon ng kalamidad.
Kasunod ito ng ulat na isang 49-anyos na healthcare worker sa Meycauayan City, Bulacan ang namatay matapos makuryente sa kasagsagan ng bagyo at baha habang tumutulong sa pagbibigay ng gamot at bakuna sa mga evacuees.
Ayon kay Go, malungkot itong trahedya na hindi na dapat maulit.
Ipinaalala rin ng senador na iniaalay ng mga barangay healthcare workers pati ang kanilang buhay, sa kabila ng mababang sahod at kawalan ng katiyakang proteksyon.
Giit ni Go, sa panahon ng kalamidad, hindi lang ang mga rescue team ang umaaksyon kundi maging ang mga nurse, midwife, at barangay health workers na tahimik na nagtatrabaho upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga nasalanta.
Si Go ay kabilang sa mga may-akda ng Republic Act No. 11712 o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act na naisabatas noong 2022. Sa ilalim nito, pinagkakalooban ng health emergency allowance ang mga healthcare worker tuwing may public health emergency.
Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 412 o ang panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers, upang palakasin pa ang karapatan at kapakanan ng mga BHW sa buong bansa.