Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na pabilisin ang repatriation o pagpapauwi ng mga Pilipinong nasa Israel at Iran sa gitna ng tumitinding tensyon at kaguluhan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t boluntaryo pa rin ang repatriation, kailangang tiyakin ng gobyerno na may sapat na tulong na ibibigay sa mga uuwi, kabilang ang psychosocial, pinansyal, at pangkabuhayang suporta upang makapagsimula silang muli sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Ang kaligtasan aniya ng mga Pilipino ang dapat na pinaprayoridad at pinagtutuunan ng pansin.
Hinikayat din ng senador ang mga Pilipino na may kamag-anak sa Israel at Iran na himukin ang kanilang mga mahal sa buhay na makipagtulungan sa mga kinauukulan upang maisakatuparan ang kanilang agarang pagbabalik sa Pilipinas.