Tinapos na ni Senador Francis Tolentino ang pagtalakay sa panukalang P25.9-B na 2024 budget ng Department of science and technology (DOST).
Sa budget hearing, hinikayat ni Tolentino ang DOST na magsagawa ng mas maigting na research sa agriculture at food security kabilang na ang pag-develop ng Tamban Fish Hatcheries, at masustansyang pagkain para sa mga mahihirap na Pilipino.
Hinimok din ng senador ang ahensya na maglagay ng weather stations sa West Philippine Sea.
Partikular na tinanong ni Tolentino kung posible ang maglagay ng automated station sa Kalayaan Island na sinagot ni PAGASA Officer in Charge Nathaniel Servando na posible naman ito.
Sa ngayon ay isa pa lang aniya ang manned station sa Pagasa Island.
Tinatayang aabot sa P900,000 hanggang P1-M ang gagastusin para sa pagpapatayo ng isang automated station na may kumpletong sensors, communication system at installation. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News