dzme1530.ph

Professionalism, dapat tiyakin sa planong temporary hiring ng mga unlicensed nurses

Nanawagan si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Department of Health (DOH) na aralin munang mabuti ang planong pagbibigay ng temporary license sa mga nursing graduate na hindi pa nakakapasa ng board.

Ayon sa Senate Committee on Health Chairman, may mga umiiral na batas at panuntunan na sinusunod upang mapanatili ang professional standards at maprotektahan ang buhay, kaligtasan at kapakanan ng mga pasyente.

Bagamat pabor anya siyang maganda ang naturang plano dahil makakadagdag ito sa healthcare workforce ng Pilipinas ay dapat matiyak na hindi rin maaapektuhan ang propersyunalismo sa kanilang hanay.

Dapat anyang bigyan lang sila ng tungkulin na angkop sa kanilang kakayahan at kaalaman at hindi kapantay ng mga lisensyadong nurses.

Sinabi rin ng senador na bagamat isa itong solusyon sa pagtugon sa medikal na pangangailangan ng bansa ay dapat ang layuning patuloy na pagsikapang abutin ay ang pagpapabuti ng medical education sa Pilipinas para maging sapat ang bilang mga kwalipikadong healthcare professionals.

Kaugnay nito, inihain ni Go ang Advanced Nursing Education bill na layong pagbutihin ang nursing education sa pamamagitan ng pagsasama ng community integration at immersion sa kurikulum para mahikayat ang mga nursing graduate na magtrabaho sa mga lokal na komunidad. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author