Itutuloy pa rin ng Pilipinas ang pag-aangkat ng daan-daang libong tonelada ng bigas ngayong taon.
Ito ay kahit na tumaas sa 9-M metric tons ang produksyon ng palay sa bansa sa unang anim na buwan ng taon, batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pulong sa Malakanyang ng Economic Development Group, ini-ulat ng Department of Agriculture kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang datos mula sa PSA kaugnay ng produksyon ng palay mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ito ay mas mataas ng 3% kumpara sa 8.7-M metric tons sa kaparehong panahon noong 2022.
Tinawag naman ito ng Pangulo bilang “excellent news”, at magiging malaking tulong umano ito sa pagtitiyak ng sapat na suplay ng bigas sa harap ng epekto ng super typhoon Egay.
Sa kabila nito, kinumpirma ng Presidential Communications Office na umabot na sa kabuuang 2.05-M metric tons ng imported na bigas ang dumating sa bansa mula enero hanggang unang linggo ng Agosto.
Una na ring ibinahagi ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement na may darating na 300,000 metric tons ng imported na bigas sa bansa ngayong buwan hanggang Setyembre. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News