dzme1530.ph

Private Sector Advisory Council, suportado ang onsite work sa halip na WFH setup

Sang-ayon ang Private Sector Advisory Council na ibalik na nang tuluyan ang onsite work sa halip na Work-From-Home (WFH) Scheme.

Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni Jobs Sector Lead Joey Concepcion na wala na ang pandemya kaya’t dapat nang itaguyod ang office work setup.

Iginiit pa ni Concepcion na kapag ipinagpatuloy ang WFH setup ay bababa ang mobility at consumption, kung saan wala nang sasakay sa pampublukong transportasyon, wala nang kakain sa labas, at wala nang bibili ng damit pang-opisina.

Sinabi naman ng business leader na nauunawaan niya na may ibang sektor na maaaring mag-WFH tulad ng IT sector.

Gayunman, suportado pa rin nito ang onsite work upang mapataas ang mobility tungo sa pagpapasigla ng ekonomiya. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author