Nais ni Senador Christopher “Bong” Go na busisiin ng Senado ang prioritization strategy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang mga flood control program.
Sinabi ni Go na suportado nya ang gagawing imbestigasyon ng Senate Committee on Public Works sa susunod na linggo kaugnay sa naranasang malawakang pagbaha sa bansa.
Ipatatawag sa pagdinig ang mga opisyal ng DPWH at ang iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno.
Nais ni Go na i-review kung ano ang mga naging prayoridad na lugar ng DPWH sa pagkakaroon ng flood control program lalo’t sa kabila ng proyekto ay matindi pa rin ang pagbaha sa maraming lugar.
Iginiit ng senador na dapat malaman kung saan pinaglalagay ng DPWH ang kanilang flood control projects pati na ang declogging o paglilinis ng mga canal.
Hinimok din ng senador ang DPWH na linawin sa publiko ang kanilang istratehiya upang matiyak na walang pondo ng taumbayan ang nasasayang.
Sangayon din ang senador sa isinusulong na ‘master plan’ para sa flood control management upang mailatag ng maayos ang proyekto at hindi na magpaulit-ulit ang problema sa pagbaha sa mga syudad at lalawigan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News