Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga retailers, botika, at distributors na huwag samantalahin ang kalagayan ng mga nasalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng paglabag sa itinakdang price freeze sa mga pangunahing gamot.
Ayon kay Gatchalian, ang 60-araw na price freeze ng Department of Health (DOH) sa essential medicines sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity ay isang agarang hakbang upang matiyak na mananatiling abot-kaya ang gamot para sa mga nangangailangan.
Giit ng senador, hindi makatao ang pananamantala sa panahon ng sakuna, lalo’t ito ang panahong dapat ipamalas ang malasakit at pagkakaisa sa kapwa Pilipino.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi dapat gawing negosyo ang paghihirap ng iba. Dapat aniya ay magsagawa ng mas maigting na pagbabantay ang mga lokal na pamahalaan at kaugnay na ahensya upang agad matugunan ang mga ulat ng overpricing o paglabag sa price control.
Dagdag pa ng senador, sa panahon ng sakuna, higit na kailangang pairalin ang malasakit, hindi ang pagsasamantala.