dzme1530.ph

Pribilehiyo para kumandidato sa Halalan, hindi maaaring ibigay sa mga pekeng Pilipino

Iginiit ni Sen. Jinggoy Estrada na karapatan ng kahit na sinong Filipino ang iprisinta ang sarili sa taumbayan para manilbihan bilang isang lingkod bayan.

Subalit ang pribilehiyong ito aniya na nakasaad sa Konstitusyon ay para lamang sa mga kapwa at hindi kailanman maaaring ibigay sa mga pekeng Filipino.

Ang pahayag ay ginawa ng senador kasunod ng kumpirmasyon ni Atty. Stephen David, abogado ni Guo Hua Ping, alyas Alice Guo, na desidido ang kanyang kliyente na muling kumandidato sa pagkaalkalde sa Bamban, Tarlac.

Idinagdag ni Estrada na bukod sa pagiging isang tunay at walang bahid na pagdududa sa pagiging Filipino, responsibilidad ng bawat kandidato na magbigay ng tamang impormasyon sa kanilang sarili at sumunod sa mga alituntunin na pinag-uutos ng ating batas sa pagiging kandidato sa isang elective position at pagiging lingkod-bayan.

Pinaaalalahanan din ng senador ang Commission on Elections na tungkulin nitong tiyakin na ang bawat kandidato ay sumusunod sa mga itinakdang pamantayan para matiyak na walang botanteng Filipino ang malilinlang sa kawalan ng kwalipikasyon ng kanilang mapipiling kandidato sa araw ng halalan.

Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva na hindi na maitatangging pekeng Pilipino si Guo at pineke ang kanyang birth certificate kaya’t malinaw na pambabalahura at pambabastos sa ating mga batas ang kanyang ginagawa sa bansa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author