Inaasahang tataas ang presyo ng diesel dahil sa 3% biodiesel mix o 3% na halo ng coconut methyl ester sa diesel, na ipinatupad na simula ngayong unang araw ng Oktubre.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Dep’t of Energy Usec. Alessandro Sales na nakikitang aabot sa .75% ang itataas sa presyo ng diesel.
Gayunman, iginiit ni Sales na mas dapat tingnan ang benepisyo ng tinaasang biodiesel mix, tulad ng inaasaahang 10% na pagtaas sa mileage o layo ng maiba-biyahe ng sasakyang gumagamit nito.
Bukod dito, mababawasan din ng halos 2% ang greenhouse gas emission, kaya’t makabubuti rin ito sa kapaligiran, sa pagpapaganda ng kalidad ng hangin, at sa paglaban sa Climate change.
Makatutulong din ito sa coconut farmers dahil mapalalawak ang market ng kanilang produkto partikular ng coconut oil.
Magiging dahan-dahan ang pagtataas ng biodiesel mix hanggang sa maabot ang 5% mix sa 2026. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News