dzme1530.ph

Presyo ng bigas, inaasahang bababa pa matapos bawiin ng India ang kanilang export ban

Posibleng bumaba pa ang presyo ng bigas makaraang bawiin ng India ang kanilang export ban sa non-basmati white rice, ayon sa Department of Agriculture.

Kamakailan lamang ay inanunsyo ng India ang pag-alis sa export ban, isang taon matapos itong ipatupad bunsod ng bumagsak na produksyon at banta ng El Niño phenomenon.

Sinabi ni Agriculture Spokesperson, Assistant Secretary Arnel de Mesa, na ang hakbang na ito ng India ay magbibigay ng kaluwagan sa price pressure sa international market.

Ipinaliwanag ni de Mesa na 40% ng bigas sa international market ay galing sa India kaya mahalagang makapasok muli sa international trade ang Indian rice, lalo na ang non-basmati white rice.

Nagpatupad din ang india ng minimum export price na $490 per metric ton, na mas mababa kumpara sa international price noong nakaraang taon na umabot sa $600 per metric ton. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author