dzme1530.ph

Presyo ng bigas, inaasahang bababa na ng ₱5-7 pagdating ng Enero —DOF at DA

Kapwa nakikita ng Dep’t of Agriculture at Dep’t of Finance ang pagbaba ng lima hanggang pitong piso ng kada kilo ng bigas pagdating ng Enero.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na sa kalagitnaan ng Oktubre ay unti-unti nang bababa ang presyo ng bigas dahil sa binabaang taripa sa imported rice, at dahil na rin sa bumabang international prices.

Gayunman, sa Enero pa umano mararamdaman ang buong epekto nito, dahil inuubos pa ang stock ng palay at bigas na nabili sa mas mataas na presyo.

Kaugnay dito, sinabi ni Laurel na maglalaro sa ₱5-7 ang inaasahang matatapyas sa presyo ng kada kilo ng bigas sa Enero, at inihalimbawa nito na kung ang kada kilo ng bigas ay nasa ₱50, bababa na ito sa ₱45.

Samantala, sa tantsa naman ni Sec. Recto ay bababa ng ₱6 ang kada kilo ng imported rice ngunit dedepende pa rin ito sa world prices.

Kaugnay dito, inaasahan na umano ang murang bigas pagdating ng Pasko. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author