Inaasahan ng Department of Agriculture na bababa ang presyo ng bigas sa bansa, sa harap ng nagpapatuloy na pakikipag-ugnayan sa Vietnam at India kaugnay ng importasyon ng bigas.
Ayon kay DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, matapos ang kanilang pakikipag-usap sa Vietnam ay nagbigay ito ng price quotations sa kanilang rice exports na mas mababa ng $30 hanggang $40 mula sa naunang itinakdang presyo.
Bukod dito, kinukumbinsi na rin umano ang India na mag-export ng bigas sa bansa alang-alang sa humanitarian grounds.
Kaugnay dito, naniniwala si Panganiban na mas magiging magaan para sa Pilipinas ang nakatakdang pag-iimport ng nasa 300,000 hanggang 500,000 metric tons ng bigas sa nalalabing bahagi ng taon.
Inaasahang mapatataas din ng rice imports ang national inventory na nakikitang tatagal ng 52 hanggang 57 araw sa pagtatapos ng 2023. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News