Target ng Department of Agriculture (DA) na mapababa sa ₱70 hanggang ₱80 piso kada kilo ang presyo ng Bangus sa Laguna de Bay.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, inihayag ni DA Spokesman Assistant Secretary Arnel De Mesa na ang Laguna Lake ay isa sa mga pinakamalaking supplier ng isda sa Metro Manila.
Kaugnay dito, inatasan na umano ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pag-aralan kung papaano pa mapatataas ang produksyon ng isda sa Laguna Bay.
Tutulungan din ng kagawaran ang mga nais mamuhunan sa marine culture at aquaculture para sa sapat na produksyon ng isda hindi lamang ng bangus kundi pati sa tilapia, hito, pompano, alimango, at hipon.
Samantala, inaasahang bababa na rin ng hanggang tatlumpung porsyento ang presyo ng galunggong at iba pang isda sa pagsisimula ng open fishing season ngayong Pebrero.
–Sa panulat ni Harley Valbuena, DZME News