![]()
Tiniyak ng Philippine Ports Authority (PPA) na patuloy nilang inaasikaso ang mga pasaherong na-stranded sa iba’t ibang pantalan matapos suspendihin ang mga biyahe dahil sa masamang panahon na dala ng Bagyong Tino.
Agad na ipinagkaloob ng ahensya ang hot meals at maiinom na tubig para sa mga pansamantalang hindi makauuwi. Sa Marinduque at Quezon, nag-abot ang Port Management Office ng ready-to-eat food packs sa 71 pasahero.
Nakaalerto rin ang Port of Iloilo matapos pansamantalang dumaong doon ang ilang sasakyang pandagat upang makaiwas sa malalakas na alon at hangin.
Pinayuhan naman ng 2GO Travel ang kanilang mga pasahero na maaaring magpa-refund o magpa-rebook ng tiket, matapos hindi makabiyahe ang barkong MV St. Francis Xavier mula NorthPort patungong Siargao, Butuan, at Ozamiz. Sa pinakahuling tala, nasa 304 pasahero ang nananatiling stranded sa NorthPort, kabilang ang mga biyaheng papuntang Cebu at Bacolod.
Patuloy na mino-monitor ang PPA sa lahat ng pantalan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga biyahero.
