Iniimbestigahan ng Dep’t of Justice ang posibleng oil smuggling kaugnay ng nangyaring oil spill sa Bataan.
Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, ang MT Jason Bradley na kabilang sa mga dawit sa oil spill ay kabilang sa sea vessels na tumakas sa joint anti-oil smuggling operation ng National Bureau of Investigation’s Organized and Transnational Crime Division at Bureau of Customs noong Disyembre 2023.
Ang MV Mirola naman ay dati nang huhulihin dahil sa pagiging unregistered at kawalan ng records.
Bukod dito, kaduda-duda rin umano ang malapit na agwat ng pinaglubugan ng oil tankers na umaabot lamang sa 5-10 nautical miles, habang kwestyonable rin na 26 na oras nang buma-biyahe ang TMT Terranova ngunit 3 nautical miles lamang ang sinaklaw nitong distansya. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News