Nabahala si Manila 6th District Cong. Benny Abante, Jr. sa posibleng “misapplication” ng Repubic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa isang hearing sa Kamara, sinabi ni Abante na suportado niya ang effort ng gobyerno laban sa terorismo, subalit responsibilidad din umano nila bilang taga likha ng batas na masigurong maayos itong naipatutupad.
Pinag-usapan sa Joint Oversight Committee ang inilabas na resolusyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) kung saan tinawag si Negros Oriental Cong. Arnulfo Teves Jr. at 12 iba pa bilang mga terorista.
Ayon sa chairman ng Committee on Human Rights, hangad nya ang hustisya sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at ilang inosenteng sibilyan, pero kailangan tiyakin na tama ang pag-apply ng batas.
Naniniwala rin si Abante na ang RA 11479 ay “powerful tool” para sa seguridad ng bansa at mamamayan laban sa terorismo, subalit ang ilang probisyon nito ay mapanganib din laban sa karapatan at kalayaan ng isang mamamayan.
Si Abante ay isa sa mga kongresistang bumoto ng “NO” noong 2020 nang pagtibayin ang Anti-Terror Bill na ngayon ay kilala na bilang RA 11479. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News