dzme1530.ph

Posibilidad ng paggamit ng fentanyl bilang party drugs, binabantayan ng PDEA

Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mahigpit nilang binabantayan ngayon ang paggamit ng pain killer na gamot na fentanyl bilang party drugs.

Sa pagtalakay sa panukalang 2024 budget ng PDEA, sinabi ni Director General Moro Lazo na ang kanilang aksyon ay kasunod ng ulat na sa Estados Unidos ay tumaas ang kaso ng paggamit ng naturang gamot at nagiging pangunahing dahilan na rin ng kamatayan.

Nilinaw naman ni Lazo na wala pa silang namomonitor na kaso ng pag-abuso ng paggamit ng naturang gamot gayunman sinabi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na dapat ding ikunsidera ng mga awtoridad na posibleng hindi pa ganun kalala ang paggamit nito kaya wala pang nairereport.

Aminado si Lazo na bagama’t nabibili ang fentanyl bilang regular drug sa pamamagitan ng reseta para sa pain management ng cancer patients, dapat pa ring bantayan ang paggamit nito dahil ito ay delikado at posibleng makamatay.

Iniulat din ng Dangerous Drugs Board na nagkaroon na ng shortage ng fentanyl sa buong mundo bunsod ng mataas na demand.

Kaya naman binalaan ng DDB ang publiko sa paggamit ng ganitong uri ng gamot lalo’t ilang kaso na ng pagkamatay dahil sa overdose ang naiulat sa Philadelphia.

Samantala, inaprubahan na sa committee level ang budget ng PDEA na aabot sa P3.354-B gayundin ang P417.39-M ng DDB para sa 2024. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author