Kinumpirma ni Senador Risa Hontiveros na pag-aaralan nila ang posibilidad ng pagregulate sa mga kulto sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagkakasangkot ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa mga umano’y iligal na aktibidad kasama na ang pang-aabuso sa mga bata.
Sinabi ni Hontiveros na sa ngayon ay wala pang malinaw na batas na sumasaklaw sa mga kulto.
Maganda anyang mapag-aralan ito upang maiwasan at hindi na maulit ang mga pang-aabuso tulad ng mga alegasyong ibinabato sa SBSI.
Tinitiyak naman ni Hontiveros na hindi makakatapak sa kalayaan ng pagpili ng relihiyon sakaling makabuo sila ng panukala para sa regulasyon ng mga kulto.
Iginiit ng senadora na bibigyang linaw lamang nila ang mga grupong maaaring matukoy bilang kulto at aaralin kung pwedeng i-apply sa atin ang mga ‘best practices’ na inilatag ng ibang mga bansa na nagkaroon din ng problema sa mga kulto. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News