dzme1530.ph

Posibilidad ng humanitarian crisis sa Socorro, Surigao del Norte, kinontra!

Kinontra ni Senador Risa Hontiveros ang babala ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) na posibleng magkaroon ng humanitarian crisis sa desisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipawalang bisa na ang awtorisasyon sa pagpapagamit sa organisasyon ng protected area sa Socorro, Surigao del Norte.

Sinabi ni Hontiveros na sa ngayon ang nakikita niyang krisis ay ang pag-abuso at exploitation sa mga bata na dapat agad na aksyunan.

Trabaho na rin anya ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga residente ng Sitio Kapihan na makabalik sa dati nilang tahanan at trabaho.

Samantala, kumpiyansa si Hontiveros na mabibigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kinakailangang kalinga at proteksyon ang mga dating miyembro ng SBSI.

Ito ay makaraang kumpirmahin na nasa protective custody na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang ilang mga victim survivor partikular ang 9 na batang biktima ng pang-aabuso.

Iginiit ng senadora na pinakamahalagang matutugunan ng DSWD ang psychological needs ng mga bumabang miyembro ng grupo.

Umaasa rin ang senadora na ang development na ito ay magreresulta kalaunan sa pag-rescue sa mga natitira pang residente ng Sitio Kapihan.

Binigyang-diin din ng mambabatas na mahalaga ang malayang testimonya ng mga dating miyembro ng SBSI para mapanagot ang mga lider ng kulto at makumbinsi ang mga natitirang miyembro ng grupo nas umalis na rin. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author