dzme1530.ph

Pondo para sa textbooks at learning materials, dinagdagan ng ₱300M

Kinumpirma ni Sen. Sherwin Gatchalian na pasok sa inaprubahang panukalang 2025 budget ng Senado ang pagdaragdag ng ₱300 milyon na pondo para sa mga textbook at learning materials.

Sa ilalim ng Committee Report ng Senado sa panukalang 2025 national budget, ₱300 milyon ang nadagdag sa ₱12.4 bilyong una nang inilaan sa textbooks at iba pang learning materials.

Saklaw ng naturang pondo ang textbooks ng mga mag-aaral sa Grade 3 at mga manual para sa guro.

Matatandaang inaprubahan na kamakailan ng Senado ang pinal na bersyon nito ng panukalang 2025 budget.

Gayunpaman, binigyang diin ni Gatchalian na maliban sa pagdaragdag ng pondo sa mga textbook at learning materials, mahalaga ring ayusin ang proseso ng pagbili ng textbooks upang matiyak na may kumpletong mga aklat ang bawat mag-aaral.

Kabilang sa mga isyu ng pagbili ng mga textbook ang kakulangan sa panahon ng paglikha ng mga ito, mataas na participation costs, matagal na proseso ng pag-review, at iba pang mga usapin na may kinalaman sa presyo.

Sa ngayon ay umaabot sa humigit-kumulang tatlong taon ang pagbili ng textbooks na dapat sana’y inaabot lang ng 180 na araw. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author