dzme1530.ph

Pondo para sa operasyon ng 911 hotline, itinaas sa ₱1 bilyon

Loading

Tumaas sa ₱1 bilyon mula ₱28 milyon ang inilaang pondo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa implementasyon ng 911 hotline sa buong bansa.

Sa pagtalakay ng panukalang budget sa Senado, kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na posibleng sa loob ng anim na buwan ay magiging operational na sa buong bansa ang 911 hotline service.

Sa ngayon, may 37 local government units na may kani-kaniyang emergency hotline, at nasa unang yugto pa lamang ng implementasyon ang proyekto.

Unang sakop ng rollout ang Cebu, Ilocos, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Davao, Negros Island Region, Pampanga, at Region 8.

Tiniyak ni Remulla na dialect-friendly ang mga 911 call center upang mas madaling makapagbigay ng tulong sa mga lokal na tumatawag.

Batay sa datos, nakatatanggap ang hotline ng humigit-kumulang 60,000 tawag kada araw, kung saan halos isang-katlo ay prank calls sa mga unang araw ng operasyon.

Aminado si Remulla na nananatiling hamon ang kakulangan ng mga ambulansya, kaya’t kabilang sa pondong ilalaan ang pagbili ng 300 ambulance units, 160 patrol cars, at 300 motorcycles.

About The Author