dzme1530.ph

Pondo para sa LRT Line 1 extension common station, aprub sa bicam panel

Loading

Inaprubahan ng bicameral conference committee na tumalakay sa 2026 general appropriations bill ang hiling ng Department of Transportation na dagdag na P3.6 billion para sa LRT Line 1 Cavite extension common station at automated fare collection system.

Sinabi ni Senate Finance chairman Sherwin Gatchalian na batay ito sa hiling ni Transportation Secretary Giovanni Lopez.

Nakasaad anya sa liham ng kalihim na walang appropriations ang naturang mga proyekto sa unang bahagi ng 2026 budget bill kaya inaapela nilang mapondohan ito.

Nakasaad din dito na ang nirerequest nilang dagdag pondo para sa dalawang proyekto ay huhugutin o ire-realign lang din mula sa budget ng ibang programa ng DOTr.

Inihayag pa ni Gatchalian na sa pag-uusap nila ni Lopez ay iginiit na masyado nang delayed ang common station ng LRT Line 1 Cavite extension at nais na sana nila itong masimulan sa susunod na taon.

Sinabi naman ni House Appropriations Committee chairperson Mikka Suansing na kapag hindi napondohan ang automated fare collection system ay maaapektuhan nito ang paggamit ng beep cards at maaaring bumalik tayo sa paggamit ng cash sa ating rail lines.

About The Author