dzme1530.ph

Pondo para sa kapakanan ng mga OFW, pinatitiyak

Loading

Umapela si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito para sa full funding ng mga programa ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), na tinawag niyang mga tunay na modernong bayani ng bansa.

Sa pagtalakay sa panukalang budget ng DMW, binigyang-diin ni Ejercito ang pangangailangang mapanatiling sapat ang pondo ng Aksyon Fund ng DMW upang masuportahan ang maagang pagbibigay ng legal, medikal, at iba pang tulong sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Ipinunto ng senador na dapat panatilihin ang sapat na alokasyon para sa legal aid, hospitalization, repatriation, at iba pang welfare services ng mga migranteng manggagawa.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga proyektong tulad ng OFW hospitals, special lanes sa mga paliparan, at mga lounge na magpapadali sa pag-access ng mga serbisyo ng gobyerno.

Sinabi ni Ejercito na kung kulang pa ang ₱1 bilyong pondo para sa Aksyon Fund ay dapat dagdagan ito upang tugunan ang patuloy na lumalaking pangangailangan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Tiniyak naman ni DMW Secretary Hans Cacdac na nananatiling “heart and soul” ng kanilang ahensya ang Aksyon Fund, at may mga sanay na legal experts na handang tumugon 24/7 sa mga kaso ng mga OFW sa kani-kanilang host countries.

About The Author