dzme1530.ph

Pondo para sa inspeksyon sa mga public school buildings, isusulong sa Senado

Loading

Isusulong ni Senate Committee on Basic Education chairman Bam Aquino ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa inspeksyon at pagsusuri ng mga pampublikong school building upang matiyak ang tibay at kaligtasan ng mga ito.

Kasabay nito, plano ni Aquino na magpatawag ng pagdinig upang masuri ang kahandaan ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa sakaling tumama ang malalakas na lindol, matapos ang mga nagdaang pagyanig sa iba’t ibang lugar.

Sinabi ni Aquino na mahalagang malaman kung gaano kahanda at katibay ang mga paaralan sa pagtama ng malalakas na lindol para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro, magulang, at iba pang nagtatrabaho sa mga paaralan.

Binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan at kalidad ng mga gusali ng paaralan, lalo na matapos ang pag-amin ni dating Bulacan District Engineer Brice Hernandez na lahat ng proyektong imprastraktura sa Bulacan mula 2019 hanggang kasalukuyan ay substandard, kabilang na ang mga silid-aralan.

Bukod sa pagsusuri sa tibay at kaligtasan ng mga school building, sinabi ni Aquino na tatalakayin din sa planong imbestigasyon ang pinsalang dulot ng mga nagdaang lindol at ang ginagawang pagkilos ng mga kaukulang ahensya upang matiyak na muling magamit ng mga mag-aaral ang mga apektadong paaralan sa lalong madaling panahon.

Kasama rin sa imbestigasyon ang mga panukalang hakbang upang mapalakas ang disaster preparedness ng mga paaralan, kabilang ang regular na inspeksyon, pagsasagawa ng earthquake drills at evacuation protocols, at pagkakaroon ng mga earthquake emergency kit.

About The Author