dzme1530.ph

Polisiya ng gobyerno sa hiring ng K-12 graduates, pinuna ni Gatchalian

Pinuna ni Senador Win Gatchalian ang polisiya ng pamahalaan sa hiring ng K to 12 senior high school graduates.

Ayon sa senador, isa itong malaking pagkukulang ng gobyerno sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya na napilitang tustusan ang dagdag na dalawang taon sa high school.

Partikular na pinuna ni Gatchalian ang Memorandum Circular No. 12 ng Civil Service Commission kung saan lumalabas na para sa mga ahensya ng pamahalaan, maging sa mga government corporations, walang pagkakaibang maituturing ang mga nagtapos ng senior high school at mga nakatapos ng sampung taon ng elementary at high school.

Para kay Gatchalian, ipinapakita ng polisiyang ito na para sa mga senior high school graduate na nais pumasok sa gobyerno, walang dagdag na benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school.

Hinimok ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang CSC na magsumite ng tiyak na timetable upang matugunan ang mga isyung kinakaharap ng pamahalaan pagdating sa pag ha-hire ng senior high school graduates.

Nangako naman ng CSC na aamyendahan na nito ang Omnibus Rules on Appointments and Other HR Actions upang mabigyan ng pagkakataon ang mga senior high school graduates.

Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2018, hindi kinokonsidera ang senior high school graduates sa education requirements ng first level positions sa civil service. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author