Sa gitna ng naglipanang fake news at misinformation ngayon, binigyang-diin ni Senate President Francis Escudero na hindi dapat bumalangkas ng anumang panukala na pipigil o magbibigay ng takot sa mga tao para maghayag ng kanilang mga saloobin at opinyon.
May kinalaman ito sa aksyon ng ilang ahensya at ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng fake news partikular na sa social media.
Ayon kay Escudero, sa kanyang pagkakaalam ay wala pang nakabinbin na panukalang batas kaugnay sa pagsawata ng fake news.
Iginiit ng Senate leader na hindi unlimited ang kapangyarihan ng isang tao na magsalita subalit hindi naman dapat magpasa ang Senado ng panukala na pipigil at magbibigay ng takot sa publiko para maghayag ng kanilang nasa puso at isip.
Inihalimbawa ni Escudero ang bahagi ng pahayagan na mayroong balita at mayroon din para sa opinion o editorial at tulad sa mga ordinaryong mamamayan ay karapatan nilang maghayag ng kanilang mga pananaw.
Ang dapat aniyang pag-aralan at silipin ng Kongreso ay ang paglimita sa mga naghahayag ng kasinungalingan na ipinapasa sa iba bilang katotohanan dahil iba ito sa paghahayag ng opinyon.