Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mas paiigtingin pa nila ang implementasyon ng mga programa gaya ng police visibility o ang presensya ng mga kapulisan sa mga lansangan.
Gayundin ang pagpapakalat ng mga tactical motorcycle riding unit, paglalagay ng mga Female Customer Relation Officers, BIDA Program, at Revitalized Police sa Barangay.
Layon ng mga programang ito na mabigyan ng suporta ang mga proyekto ng pamahalaan na labanan ang lahat ng uri ng krimen, iligal na droga, terorismo, at iba pang aktibidad na ipinagbabawal ng batas.
Ayon kay NCRPO Chief PMGen Edgar Alan Okubo, paraan ito upang mas mapabilis ang pagtugon at pagpapatupad ng mga polisiya para maprotektahan ang karapatan ng bawat mamamayan tungo sa tahimik at maayos na kalakhang Maynila.
Hangarin din nitong matiyak na maisasagawa ang mga operasyon ng pulisya na may paggalang sa karapatang pantao alinsunod sa 5-Focused Agenda ni CPNP PGen. Benjamin C Acorda Jr.
Bahagi ng mga inisyatibong ito ang pagkakaroon ng integrated command center, pagkamit ng ideal 3 minute response time sa lahat ng distrito ng kapulisan sa Metro Manila, pagtatatag ng cybercrime special operations unit, at pagbuo ng drone squad upang mas mabilis na maaksyunan ang iba’t-ibang insidente at krimen sa rehiyon. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News