Opisyal nang ipasasara sa Disyembre 15 araw ng Linggo ang POGO hub sa Island Cove sa Kawit Cavite.
Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, personal nilang pangungunahan ang pagpapasara sa POGO sa Island Cove upang maipakita ito sa publiko.
Makikipagtulungan naman umano ang Presidential Anti-Organized Crime Commission para sa pagpapasara sa iba pang registered POGOs.
Inaasahang maglilipana ang “guerilla” POGOs o scam centers sa nalalapit na deadline sa POGO ban sa pagtatapos ng taon.
Kaugnay dito, maglalabas din ng kautusan ang DILG na mag-oobliga sa lahat ng local chief executives na mag-sumite ng report kaugnay ng mga kaduda-dudang aktibidad at posibleng pagse-setup ng iligal na POGO sa kanilang lugar.
Kabilang na dito ang kahina-hinalang pagdami ng mga dayuhan o ang biglang pagsipa ng bandwidth use sa internet. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News